Karamihan sa atin ay pinapangarap ang isang masaya at malusog na pamilya, ngunit paano nga ba kung ang mahal mo sa buhay ay mayroong malalang karamdaman.Mahirap nga talaga lalo na kung hindi sapat ang mga gastusin para sa kanilang pagpapagamot, minsan nga ay ibebenta na natin lahat para lang sa isiping “Gagaling rin sila kahit na anong mangyari”.Sa bawat paghihirap nila ay paghihirap rin natin.
Alam kong labis ang paghihirap ng aking papa dahil sa mga pangyayari sa aming buhay at dahil sa kalagayan ng aking kuya na noon ay nagdidialisis, nakikita ko ito dahil minsan ay nakikita ko siyang nasa isang sulok at tahimik na nakaupo. Hindi ko rin maunawaan noon ang aking kuya dahil hindi niya sinusunod ang mga bilin ng kanyang doktor, lahat ng mga pagkaing bawal sa kanya ay kinakain niya, at dahil dito’y minsan sinusumbatan ko siya ng “Pwede ba maging responsable ka naman, kaya ka nahihirapan dahil sa katigasan ng ulo mo”.Lagi namang umaawat si papa at kinakausap ako sa malayo para lang sabihing “Alam kong mahirap ito sayo pero tandaan mong mas mahirap para sa kapatid mo”.Nahihirapan nga ba si kuya?.Sa tingin ko hindi naman, palagi nga siyang gumagala kung saan-saan. Sa paglipas ng panahon nauunawaan ko na ang lahat nung minsan isinugod na naman ang kapatid ko sa ospital, lumala na ang kanyang sakit ,nawalan na rin siya ng pag-asa at tinanggap na isang araw ay mawawala siya, naalala ko pa nung nakangiti niyang sabi “kaya nga kinakain ko lahat ng gusto ko dahil hindi ko ito matitikman sa langit”.Nakaramdam ako ng labis na kalungkutan sa sinabi niya at napagtanto ko ang lahat ng sakripisyo niya noong wala pa siyang karamdaman nang pinili niyang lumayo sa amin para lang makapag-aral.Naalala ko noon ang isang pelikula na pinamagatang Miracle from Heaven, tungkol ito sa isang pamilya na nakaranas ng himala.Ito ay nagbigay saakin ng pag-asa na gagaling ang kapatid ko.Sinalubong ko siya at masayang sinabi “kuya panoorin mo itong pelikula, maganda ito promise”.Umaasa ako na kapag napanood niya iyon ay kahit pano’y lalaban siya, pero hindi siya nakinig saakin.
Marahil ay may dahilan kung bakit may nawawala sa ating buhay, kung bakit nabibigyan tayo ng mga suliranin. Marahil rin ay minsan hindi para sa atin ang himala. Sana lang ay maging mapang-unawa tayo para sa kanila dahil may oras sila na kasinghalaga ng ginto.